Matapos ang desisyon ng Korte Suprema na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Sultan Kudarat Governor Pax Ali Mangudadatu para sa 2022 elections, bumwelta si Sharifah Akeel Mangudadatu at tinawag na “sinungaling at taksil” ang gobernador.

Matatandaang naging mahigpit na magkatunggali sina Sharifah at Pax Ali noong halalan noong 2022, kung saan naghain si Sharifah ng petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) upang ipawalang-bisa ang kandidatura ni Pax Ali, batay sa isyu ng paninirahan o residency.

Sa isang Facebook post, kinuwestiyon ni Sharifah ang naging takbo ng proseso bago inilabas ang desisyon ng Korte Suprema sa kaniyang inihaing petisyon. Aniya, may sapat siyang ebidensya at batayan para patunayan ang mga alegasyon laban kay Pax Ali, subalit siya pa umano ang ginawang masama sa mata ng publiko.

Binanatan pa ni Sharifah ang gobernador, sabay sabing hindi na nito maikakaila ang mga nilabag nitong batas. Iginiit din niyang sa paglabas ng desisyon ng kataas-taasang hukuman, lalong napatunayan na umano ang katotohanan — at tinawag niya si Pax Ali na isang “ilehitimong gobernador”.

Sa huli, iginiit ni Sharifah na hindi kailanman naging lehitimo ang pagkakaupo ni Datu Pax Ali bilang gobernador ng Sultan Kudarat, ayon na rin umano sa naging pag-apruba ng Korte Suprema sa kanyang petisyon.