Isang lalaki ang nasawi habang isa naman ang sugatan sa isang shooting incident na naganap kahapon, Marso 2, 2026, bandang 8:25 ng gabi sa Sitio Tawi-Tawi, Brgy. Central Labas, Kadayangan, SGA-BARMM, malapit sa boundary ng Midsayap, North Cotabato.

Ayon sa ulat, nasawi sa insidente si Amiel, 31 anyos at residente ng Sitio Philrock, Brgy. Baguer, Libungan, North Cotabato, matapos tamaan sa ulo habang sakay ng kanilang itim na Honda Wave 100 na walang plaka.

Ang kanya namang kasama na si Kyle, 25 anyos, residente ng Brgy. Tigbawan, Pigkawayan, North Cotabato at isang backhoe operator, ay sugatan at kasalukuyang ginagamot sa Dr. Amado Diaz Memorial Hospital, Midsayap, North Cotabato.

Batay sa imbestigasyon, sakay ang dalawang biktima pauwi nang biglang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin.

Sa pinangyarihan ng krimen, nakarekober ang mga pulis ng pitong empty shells ng .45 caliber pistol at dalawang empty shells ng M16 rifle.

Agad namang rumesponde ang Kadayangan MPS katuwang ang Midsayap MPS, upang magsagawa ng karagdagang seguridad at tukuyin ang posibleng suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.