Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek sa Sitio Balite, Barangay Fort Pikit, Malidegao, SGA BARMM bandang 6:30 kagabi, Marso 9, 2026.
Kinilala ang biktima na si Ali Albar Malingco Salik, 27 taong gulang, may asawa, at isang driver na residente ng nasabing barangay.
Dinala siya ng mga concerned citizens sa Cruzado Medical Hospital sa Pikit, North Cotabato, bago ilipat sa Anecito T. Pesante Sr. Memorial Hospital Co. sa Midsayap, North Cotabato para sa karagdagang lunas.
Ayon sa paunang imbestigasyon, habang nasa loob ng kanyang bahay ang biktima, biglang dumaan sa lugar ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng itim na XRM na motorsiklo.
Pumasok umano ang mga ito sa bahay at pinaputukan ang biktima ng ilang beses. Nagresulta ito sa isang tama sa kanang braso at dalawang tama sa likod na tumagos sa dibdib at tiyan ng biktima. Umalis ang mga suspek sa hindi pa matukoy na direksyon matapos ang insidente.
Narekober mula sa crime scene ang walong bala, dalawang empty shells, at isang cellphone ng biktima na tinamaan rin ng bala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima upang makalap ang impormasyon at matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.

















