Umalma at dismayado si SIAP President for City of Cotabato Atty. Naguib Sinarimbo sa itinakbo ng assessment ng Cotabato City PNP hinggil sa kategorisasyon nito sa mga barangay na naisailalim sa Areas of Concern sa lungsod.

Malaking tanong aniya kay Sinarimbo kung saan o paano humugot ng basehan ang pulista ng siyudad sa ginawa nitong paghahanay hanay sa mga barangay sa lungsod.

Magugunita na noong nakaraang linggo, nagsagawa ng presscon ang CCPO upang ibahagi nito ang mga gagawin nilang preparasyon sa nalalapit na Eleksyon at nagbanggit din sila ng mga barangay na tututukan nila sa panahon ng halalan.

Kabilang sa mga nasa orange o kahel na kategorya ay ang Bagua 3, Poblacion 5 at 6, RH 10,11,12 at 13, MB Kalanganam, Kalanganan 1 at 2 na kung saan, ito ay identified supporters ng alyansang LAKAS CMD at SIAP sa lungsod.

Unconvinced naman ang abogado at nagtataka ito dahil ang lahat ng mga kasong naitala ng karahasan ay mula sa ibang barangay na nasa dilaw na kategorya taliwas naman sa sampu na nasa orange o kahel.

Base sa obserbasyon ng dating ministro ng interyor at lokal na pamahalaan na si Sinarimbo, nahahaluan na ng pulitika diumano ang peace and order situation sa lungsod. Nananawagan naman ngayon ang ibang mga kapitan na sana ay ulitin at araling maigi ang assessment ng City PNP.