Kaninang umaga, Martes, Agosto 26, 2025, pinangunahan ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang “BARMM Parliamentary Election (BPE) 2025 Peace Convergence” na ginanap sa Cotabato City Plaza, Barangay Poblacion 5, Cotabato City.
Dumalo sa aktibidad sina Police Colonel Jemuel F. Siason, Deputy Regional Director for Operations ng PRO-BAR, na kumatawan kay Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BAR; Police Colonel Jibin M. Bongcayao, City Director ng Cotabato City Police Office; at Atty. Mohammad Nabil Mutia, City Election Officer ng COMELEC-BARMM.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang Peace Walk mula Cotabato City Plaza, na dumaan sa Sinsuat Avenue, Japal Guiani Street, at Don Rufino Alonzo Street bago bumalik muli sa City Plaza. Layunin nito ang pagpapalakas ng kamalayan at pagkakaisa ng publiko bilang paghahanda sa nalalapit na halalan.
Kasunod nito ay ang Peace Rally kung saan nagtipon ang mga kalahok upang ipanawagan ang mapayapang halalan at pagtutol sa karahasan. Naging bahagi rin ng pagtitipon ang panalangin bilang gabay espirituwal para sa katahimikan at pagkakaisa. Sinundan pa ito ng isang Peace Caravan na nagbigay-diin sa diwa ng pagtutulungan at pag-unawa, lalo na sa panahon ng eleksiyon.
Itinampok din sa aktibidad ang Stakeholder Pact Signing kung saan nagpanata ang iba’t ibang kinatawan mula sa mga ahensya at organisasyon na itataguyod ang kapayapaan, patas na laban, at non-violence sa buong panahon ng eleksiyon at political transition sa Bangsamoro.
Kabilang sa mga nakiisa ang Commission on Elections (COMELEC-BARMM), City Explosive Detection and Canine Unit (CECU-BAR), Regional Forensic Unit (RFU-BAR), Bureau of Fire Protection (BFP), Civil-Military Operations ng Armed Forces of the Philippines (CMO-AFP), Marine Battalion Landing Team 6 (MBLT-6), Philippine Air Force (PAF), Aviation Security Unit (AVSEU), PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, gayundin ang mga civil society organizations gaya ng Taga Cotabato Ka Kung Inc. (TKKKI), Kutawato Greenland Initiatives Inc. (KGI), Junior Chamber International (JCI), Philippine Hotline Movement Inc. (PHMI), KARANCHO Cotabato Chapter, at iba pang katuwang na grupo.
Sa pamamagitan ng nasabing convergence, muling iginiit ng mga peace partners ang kanilang panata ng pagkakaisa, pagtutulungan, at pananagutan para sa ligtas at mapayapang BARMM Parliamentary Election 2025.