Trahedya ang sinapit ng isang kilalang vlogger sa lalawigan ng Sulu matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa labas ng isang coffee shop na malapit sa beach resort sa Barangay Umangay, bayan ng Patikul, nitong gabi ng Biyernes, Hulyo 25, 2025.
Kinilala ang biktima na si Mohammad Riza Muksan, 37 anyos, mas kilala bilang “Vlogger Doofz.” Maliban sa pagiging content creator, si Muksan ay empleyado ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Batay sa ulat ng Patikul Municipal Police Station, kagagaling lang ni Muksan sa loob ng Coffee Shop at papunta na sana sa kaniyang motorsiklo nang bigla siyang lapitan ng mga armadong lalaki at pinaputukan ng sunod-sunod. Sa tindi ng tama ng bala, agad siyang binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente.
Kinabukasan, ikinagulat ng publiko ang pagsuko ng itinuturong suspek na si Patikul Municipal Councilor Mumarzhen Suhuri, na ayon sa mga netizens at tagasubaybay, ay kilala bilang malapit na kaibigan ng biktima. Sa mga social media post ni Muksan, kapansin-pansin ang madalas na pagkakasama ng dalawa sa mga video at larawan, dahilan upang umani ng matinding reaksiyon mula sa komunidad.
Dahil sa pangyayaring ito, isang bagong rido ang posibleng umusbong sa pagitan ng mga pamilyang Muksan at Suhuri, ayon sa ilang lokal na opisyal. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril at upang matiyak na mapanagot ang sinumang responsable sa krimen.
Nanawagan ang mga kaanak, tagasuporta, at mga kaibigan ni “Doofz” ng hustisya, habang ang lokal na pamahalaan ng Sulu ay nangakong tututok sa kaso upang mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.