Pinaiiral ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng simple at abot-kayang graduation at moving-up ceremonies para sa School Year 2025–2026, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng pamasahe at presyo ng mga bilihin.

Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 015, s. 2026, mahigpit na ipinagbabawal ang paniningil ng anumang bayarin o kontribusyon mula sa mga estudyante para sa naturang okasyon. Ayon kay Sonny Angara, layon nitong mabawasan ang gastusin ng mga magulang at matiyak na walang estudyanteng maiiwan sa selebrasyon dahil sa kakulangan sa pera.

Binigyang-diin din ng DepEd na iwasan ang magarbong venue at gawing mas inklusibo ang mga seremonya. Maaari namang gamitin ng mga paaralan ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa mga kinakailangang gastusin.

Aabot sa humigit-kumulang 1.9 milyong Grade 6 at 1.8 milyong Grade 12 learners ang inaasahang magtatapos ngayong taon, kung saan target isagawa ang graduation rites sa Marso 30 o 31, 2026.