Sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 9 (RO9), sa pangunguna ng Regional Director, Director III Bryan B. Babang, ang tinatayang ₱1,116,042,487.23 halaga ng mga ipinagbabawal na droga ngayong Nobyembre 6, 2025 sa Zamboanga City.

Photo by PDEA Region 9

Ang aktibidad na ito ang pinakamalaking drug destruction event sa kasaysayan ng Mindanao at kauna-unahan sa Zamboanga Peninsula, na lumampas pa sa rekord ng nagdaang taon sa Libertad Power and Energy Corporation (LPEC) sa Aurora, Zamboanga del Sur.

Pinangunahan ang pagsira ng mga nakumpiskang droga ni Dangerous Drugs Board Chairman Secretary Oscar F. Valenzuela, kasama si PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez at mga opisyal mula sa PDEA National Office.
Idinaos ang aktibidad sa ZC E&L Corporation, Zone 1, Dumagsa, Barangay Talisayan, Zamboanga City, kung saan isinailalim sa thermal destruction ang iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na gamot tulad ng methamphetamine hydrochloride (shabu), marijuana, at ephedrine, alinsunod sa mga pamantayan ng kaligtasan at pangangalaga sa kalikasan.

Photo by PDEA Region 9

Isinagawa ang pagsira ng mga naturang droga batay sa mga kautusan ng korte mula sa Regional Trial Courts ng Pagadian City, Molave, at San Miguel sa Zamboanga del Sur, gayundin sa Iligan City, Isabela City (Basilan), at Zamboanga City. Ito ay sa pakikipag-ugnayan sa Regional Forensic Unit 9, Forensic Units ng Zamboanga City at Zamboanga del Sur, at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kabuuang 164,006.7857 gramo ng shabu, 6,624.5362 gramo ng marijuana, at 4.0513 gramo ng ephedrine ang tuluyang sinunog. Kabilang dito ang 67 kilo ng shabu na nakumpiska ng Police Regional Office 9 sa ilalim ni PBGen Eleazar P. Matta, at 89 kilo ng shabu mula sa operasyon ng PNP Drug Enforcement Group na pinamunuan ni PBGen Edwin A. Quilates, sa ilalim ng pamumuno ni PLTGen Jose Melencio C. Nartatez.

Photo by PDEA Region 9

Dumalo sa makasaysayang kaganapan sina Zamboanga City Mayor Khymer Adan T. Olaso, Vice Mayor Maria Isabelle G. Climaco, PBGen Eleazar P. Matta, PBGen Edwin A. Quilates, Commodore Rejard V. Marfe ng Philippine Coast Guard, Col. Rommel Cabanayan ng Task Force Zamboanga, Hon. Manuel M. Wee Sit IV ng RTC Branch 33, Prosecutor Sharina I. Tahir-Kanni, Atty. Karina Angela E. Fernandez ng Public Attorney’s Office, at mga Konsehal ng Zamboanga City. Dumalo rin si Chairman Esmael U. Tan ng ZC E&L Corporation, mga kinatawan ng media, at iba pang mga opisyal at saksi.

Ayon kay DG Isagani R. Nerez, patuloy ang PDEA sa pagsasagawa ng intelligence-driven anti-drug operations sa buong bansa katuwang ang iba pang law enforcement agencies. Pinuri rin niya ang PDEA Regional Office 9 sa kanilang natatanging tagumpay at pagganap nang higit sa itinakdang layunin.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang PDEA RO9 sa ZC E&L Corporation at sa lahat ng katuwang na ahensya at opisyal na naging bahagi ng matagumpay na aktibidad.

Sa pamamagitan ng record-breaking destruction activity na ito, pinagtitibay ng PDEA Regional Office 9 ang kanilang pangako sa isang mas ligtas at malayang rehiyon mula sa ilegal na droga, bilang suporta sa adhikain ng pamahalaan tungo sa isang drug-free Zamboanga Peninsula.