Nagsagawa ng ikalawang pagpupulong ang Special Investigation Task Group (SITG) “PUSAKA” ngayong Setyembre 19, 2025 sa City Headquarters Conference Room ng Cotabato City Police Office (CCPO), PC Hill, Rosary Heights 1. Pinangunahan ito ni PCOL Jibin M. Bongcayao, City Director ng CCPO at Task Group Commander.
Layunin ng pulong na suriin ang progreso ng imbestigasyon kaugnay sa insidente ng pamamaril noong Setyembre 16, 2025 sa Jose Lim Street, Cotabato City. Kabilang dito ang pagbabalik-tanaw sa mga ebidensiya at lead na nakalap mula sa unang case conference, pagpapalakas ng koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement units, at paglatag ng mga susunod na hakbang upang mapabilis ang paglutas ng kaso.
Sa update ng imbestigasyon, muling nakapanayam ang pamilya ng biktima. Kinilala ng nakaligtas na biktima ang mga taong nakuhanan sa CCTV na sakay ng motorsiklo bilang responsable sa insidente. Nakiusap din siya na makapagbigay ng pormal na pahayag matapos ang pitong araw na tradisyunal na Islamic mourning period.
Samantala, patuloy na kumukuha ng karagdagang CCTV footage ang mga intelligence operatives upang matunton ang galaw ng mga suspek bago at matapos ang insidente. Isinasagawa rin ng Regional Forensic Unit ang pagsusuri sa mga nakuhang basyo ng bala at iba pang ebidensiya mula sa pinangyarihan ng krimen.
Nananatiling nakatutok ang SITG “PUSAKA” sa pagtukoy sa mga persons of interest at posibleng kaugnayan ng mga ito sa iba pang grupong pinagmumulan ng banta. Tiniyak ng pamunuan na mananatiling masinsinan at patas ang imbestigasyon upang maihatid ang hustisya sa mga biktima at matiyak ang kaligtasan ng publiko.

















