Patuloy na ini-imbestigahan ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang pamamaril sa magkapatid na sina Prince Mohaz Salvador Matanog at Muamar Salvador Matanog, matapos silang pagbabarilin ng mga riding-in-tandem suspects sa Barangay Poblacion 5, Cotabato City.

Unang nasawi sa insidente si Prince Mohaz, na kilalang Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson, habang ang kanyang kapatid na si Muamar ay agad na isinugod sa ospital ngunit idineliklara ring dead on arrival dahil sa tinamong mga tama ng bala. Sakay ang magkapatid ng pulang Toyota Raize nang ratratin ng mga suspek.

Agad naman nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Police Station 1, kung saan nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkasugat ng isang suspek at isang pulis. Nakarekober naman ang SOCO ng 89 na basyo ng bala sa pinangyarihan, patunay ng matinding pagpapaputok ng mga salarin.

Ayon sa exclusibong panayaman ng Star FM Cotabato kay PLt. Rochelle Evangilista tagapagsalita ng CCPO, nakakuha na sila ng CCTV footage na tumulong sa pagtukoy ng person of interest, habang patuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng intelligence unit.

Patuloy ang pagtutok ng CCPO sa kaso, habang naglaan ang lokal na pamahalaan ng ₱500,000 na reward money para sa makapagtuturo sa mga salarin.

Nanawagan ang CCPO sa publiko na manatiling kalmado, magtiwala sa imbestigasyon, at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.