Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga rescuer mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa Manay, Davao Oriental para sa isang SK Chairman na nalunod habang naliligo kahapon.

Ayon sa ulat ng MDRRMO-Operation Center, ang biktima ay nakilalang si Rey Bentayao Comania, 23-anyos, SK Chairman ng Brgy. Capasnan sa nasabing munisipalidad.

Batay sa paunang impormasyon, naliligo ang biktima sa isang beach resort sa Purok 22, Habungan Barangay Central kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan pasado alas-dose ng tanghali. Ngunit bigla umanong inabot ng malalakas na alon ang grupo, at tinangay ng dagat ang ilang tao.

Sinubukan pang tulungan ang biktima ng kanyang mga kasamahan pagkatapos ng unang pagsasalpok ng alon, ngunit nahulog pa rin siya sa mas malalim na bahagi ng dagat. Agad humingi ng tulong ang kanyang mga kasama para maghanap sa biktima. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang search and retrieval operation na pinangunahan ng Philippine Coast Guard at mga pulis upang matagpuan ang biktima.