Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱6.4 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isinagawang checkpoint operation sa Matanog, Maguindanao del Norte kahapon ng umaga, Marso 17.

Sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang magsagawa ng inspeksyon ang Matanog Municipal Police Station, katuwang ang iba pang police units, sa Sitio Marayag, Barangay Bayanga Norte.

Dito hinarang ang isang mixer truck na nagpakita ng kahina-hinalang galaw, dahilan upang masusing inspeksyunin ng mga operatiba. Sa kalaunan, nadiskubre ang libo-libong reams ng sigarilyo na nakatago sa loob ng drum ng sasakyan.

Nabigo ang driver at helper ng truck, na kapwa residente ng Zamboanga City, na makapagpakita ng legal na dokumento para sa transportasyon ng naturang mga produkto.

Sa kabuuan, aabot sa 7,550 reams ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na may tinatayang halagang ₱6,460,384 ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek kasama ang sasakyan, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinanggalingan at posibleng destinasyon ng mga kontrabando.

Samantala, iginiit ni PRO-BAR Regional Director PBGen Jayson C. De Guzman na patuloy ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa smuggling sa rehiyon.

Ayon sa opisyal, lalo pang paiigtingin ang checkpoint operations at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang maprotektahan ang publiko at mapanatili ang kaayusan sa Bangsamoro.