Idineklara na ang state of calamity sa probinsya ng Sorsogon dahil sa matinding epekto ng krisis sa presyo at suplay ng petrolyo na dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Sorsogon 1st District Board Member Ed Atutubo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, layunin ng deklarasyon na mabigyan ng kapangyarihan ang gobernador na maglaan ng limang porsyentong calamity fund para sa mga sektor at indibidwal na labis na apektado.

Unahin ang tulong sa mga driver at operator ng pampasaherong sasakyan at tricycle, kasunod ang iba pang sektor na ramdam ang epekto ng oil crisis, kabilang ang mga mangingisda. Naobserbahan na kakaunti na lamang ang bumibiyahe at nahihirapan ang iba sa kanilang pang-araw-araw na hanapbuhay.

Ayon sa Disaster Management Law, kabilang ang man-made calamities tulad ng economic displacement—katulad ng nararanasang oil crisis—bilang batayan sa deklarasyon ng state of calamity.

Kasabay nito, inihanda na ng Sangguniang Panlalawigan at ng Disaster Risk Reduction and Management Council ang kaukulang resolusyon at pinaplano na rin ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong sektor, katuwang ang iba pang ahensya. Aniya, unanimous ang pag-apruba upang mabilis maisagawa ang mga programa at solusyon para sa probinsya.