Isang insidente ng umano’y indiscriminate firing ang naitala ng mga awtoridad sa bayan ng T’boli, South Cotabato, na nagresulta sa pagkakasugat ng ilang indibidwal.

Batay sa spot report ng T’boli Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-11:15 ng gabi noong Abril 9, 2026 sa Sitio Spring, Barangay Poblacion, T’boli, South Cotabato.

Ayon sa ulat, isang utility task vehicle o UTV ang minamaneho ni alyas Delfin, 36-anyos, residente ng T’boli, kasama ang kanyang mga pasahero na kinabibilangan nina alyas Arlene, 41-anyos, isang LGU T’boli employee; alyas Alvin, 36-anyos, barangay kagawad ng Laconon na hindi nasaktan; at alyas Rafael, 49-anyos, LGU employee.

Lumabas sa imbestigasyon na habang binabagtas ng grupo ang provincial road mula Barangay New Dumangas patungong Barangay Poblacion, pagsapit nila sa harap ng checkpoint na pinangangasiwaan ng 1st Platoon ng 6th SC CAA Company sa Spring Patrol Base, sila ay pinaputukan umano ng hindi pa nakikilalang mga tauhan ng checkpoint matapos umano’y hindi agad nakatigil sa lugar.

Dahil sa insidente, nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Delfin, habang sugatan din si Arlene na agad isinugod sa Lariosa Hospital sa Surallah at kalauna’y inilipat sa Pingoy Hospital sa Koronadal City. Si Rafael naman ay dinala sa Moore House Hospital at kalauna’y inilipat sa SOCSARGEN General Hospital para sa karagdagang gamutan.

Samantala, bahagyang nasira rin ang sinasakyan nilang UTV habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa insidente.

Agad namang rumesponde ang MDRRMO team ng bayan at iba pang awtoridad sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ngayon, patuloy ang follow-up investigation habang hinihintay ang karagdagang ulat kaugnay sa naturang insidente.