Mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ang pagkalat ng pekeng balita at black propaganda na naglalaman ng umano’y insidente ng sunog at sapilitang paglikas ng mga residente noong Disyembre 31, 2025.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Pamahalaang Bayan ng South Upi nitong Enero 3, 2026, walang katotohanan ang mga impormasyong kumakalat sa ilang social media page at sa mga personalidad na naglalayong siraan ang reputasyon ng bayan. Iginiit ng alkalde na si Mayor Helen Benito-Padua na malinaw na may pulitikal na motibo ang naturang propaganda.
“Mariin naming kinukundena ang ganitong uri ng black political propaganda na walang sapat na batayan at layong dungisan ang pangalan ng South Upi at ng mamamayan nito na mapayapang nagdiwang ng Bagong Taon,” ani Benito-Padua.
Dagdag pa ng alkalde, ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi lamang panlilinlang sa publiko kundi banta rin sa kaayusan at kapayapaan ng komunidad. Hinimok niya ang mga residente na maging mapanuri sa anumang balita, lalo na sa social media, at umasa lamang sa opisyal na impormasyon.
Sa huli, tiniyak ng pamahalaang bayan na ipagpapatuloy nito ang pagtatanggol sa katotohanan at paglaban sa anumang anyo ng disimpormasyon na naglalayong sirain ang pagkakaisa ng mga taga-South Upi.

















