Personal na ginawaran ng Wounded Personnel Medal ng Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division, Major General Jose Vladimir R. Cagara, ang isang sugatang sundalo sa Camp Siongco Station Hospital noong Huwebes, Enero 29, 2026, bilang pagkilala sa kanyang tapang at dedikasyon sa tungkulin.
Si Private First Class (PFC) Arvin Jake C. Janiel, kasapi ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion at residente ng Libungan, North Cotabato, ay nagtamo ng sugat habang nakikibahagi sa Decisive Military Operation (DMO) laban sa natitirang miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group sa bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Maj. Gen. Cagara, ang ginawang sakripisyo at tapang ni PFC Janiel ay malinaw na sumasalamin sa pinakamataas na pamantayan ng serbisyo militar.
Ang pagkilala ay nagpapatibay sa katapangan at dedikasyon ng mga sundalo ng Kampilan Division sa kanilang mandato na pangalagaan ang mga komunidad laban sa mga banta ng terorismo at panatilihin ang kaayusan sa rehiyon.

















