Nasabat ng mga tauhan ng Maritime Police ang tinatayang ₱2.8 milyon halaga ng mga imported na sigarilyo sa isinagawang anti-smuggling operation sa Barangay Buansa, Indanan noong Biyernes, Marso 7.
Ayon sa ulat, ikinasa ng Sulu Maritime Police Station sa ilalim ng Regional Maritime Unit ng Bangsamoro Autonomous Region ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente na may mga indibidwal na nagbababa ng mga kahon ng sigarilyo na umano’y galing sa Indonesia sa Sitio Subah ng nasabing barangay.
Batay sa ulat mula sa Sulu, sinabi ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, direktor ng Police Regional Office-BAR, nitong Linggo, Marso 9, na agad tumakas ang mga suspek matapos matunugan ang papalapit na mga operatiba ng maritime police, katuwang ang iba pang yunit ng PRO-BAR sa lugar.
Tinatayang 50 kahon ng sigarilyo ang narekober sa lugar, na ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad mula sa Indanan Municipal Police Station at lokal na pamahalaan ay nagkakahalaga ng ₱2.8 milyon.
Ipinahayag ni Macapaz na ang mga nasabat na kontrabando ay isasalin sa Bureau of Customs para sa karampatang disposisyon.