Nasawi ang isang sundalo habang isa pa ang nasugatan matapos ang sagupaan sa pagitan ng militar at mga hinihinalang miyembro ng lokal na teroristang grupo sa bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao del Sur noong Enero 27, 2026.

Kinilala ang nasawi na si Cpl. Ryan Jun P. Bagual, miyembro ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion at residente ng President Quirino, Sultan Kudarat. Sugatan naman si PFC Arvin Jake C. Janiel, tubong Libungan, North Cotabato.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng decisive military operations ang mga tropa ng Armed Forces of the Philippines matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa planong karahasan ng mga teroristang indibidwal sa lugar. Bandang alas-8:00 ng umaga, nakasagupa ng mga sundalo ng 90IB ang hindi pa matukoy na bilang ng mga miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group sa Sitio Bagurot, Barangay Tuayan Mother, sa nasabing bayan.

Isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang sugatang sundalo at ayon sa militar ay nasa maayos na kalagayan na ito.

Patuloy ang isinasagawang pagtugis sa mga armadong grupo, habang nagdagdag pa ng pwersa ang militar upang ma-neutralisa ang mga natitirang miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group sa lugar.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central sa pamilya ng nasawing sundalo at tiniyak na magpapatuloy ang operasyon laban sa mga teroristang grupo sa rehiyon.

Samantala, iginiit ng Joint Task Force Central na ipagpapatuloy ang kanilang operasyon upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa Central Mindanao.