Doble dagok ang pasan ngayon ng sundalo na si Alyas Dennis matapos na walang habas nitong ipaputok ang AFP issued firearm nito sa kahabaan ng National Highway ng Purok 1, Bialong sa bayan ng M’lang North Cotabato kahapon ng tanghali.

Ito ay matapos na hulihin ito ng kanyang mga kabarong otoridad habang pinaglalamayan nito ang asawa at dalawa pa nitong kaanak na unang namatay sa malagim na aksidente sa bayan ng Matalam, Cotabato noong Enero 1, 2025.

Kinumpirma ni M’lang PNP Spokesperson PCMS Romeo Banaybanay na sinusunod lang nito ang trabaho at batas sa paghuli sa nasabing sundalo.

Aabot sa tatlong putok ng kalibre 45 na baril ang umalingawngaw na siyang narinig ng mga nakatambay sa lugar. Galing umano sa ospital ang sundalo dahil sa inasikaso nito ngunit ng pauwi na ito sa Barangay Liboo ay walang habas na itong nagpaputok ng baril habang naglalakad sa highway ng Barangay Bialong.

Matapos na maaresto ito ng mga rumespondeng kawani ng pulis ay dito na ito humagulgol ng iyak sabay labas nito ng hinanakit.

Wala namang nasaktan sa insidente ngunit umani si Alyas Dennis ng sandamukal na simpatiya at awa sa publiko sa dinaranas nitong emotional distress o kawalan ng sariling malay dahil sa sinapit ng kanyang mga mahal sa buhay.

Kasalukuyan na itong nakadetaine sa M’lang MPS Custodial Facility at nakatakda itong sampahan ng Alarm and Scandal.