Isang miyembro ng Philippine Air Force ang nasa kritikal na kondisyon matapos barilin ng isang pulis sa loob ng isang apartment sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City, noong Disyembre 14, 2025. Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong love triangle bilang isa sa mga posibleng motibo sa pamamaril.

Kinilala ang biktima bilang si Sgt. Roli ng Philippine Air Force, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib at agad na isinugod sa Ciudad Medical Zamboanga para sa agarang gamutan.

Samantala, kinilala ang suspek na si alyas Pat. Els, isang aktibong pulis na nakatalaga sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, partikular sa lalawigan ng Basilan.

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-10:15 ng umaga sa isang apartment sa Montecino Drive, Gov. Ramos Avenue. Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek sakay ng isang Honda XRM na walang plaka, suot ang helmet at itim na jacket.

Nabanggit din sa ulat ang isang babaeng kinilalang si Daisy, isang umano’y medical representative, na sinasabing may kaugnayan sa iniimbestigahang love triangle.

Patuloy naman ang isinasagawang dragnet operations ng Zamboanga City Police Office at iba pang law enforcement units upang matunton at maaresto ang tumakas na suspek.