Nakumpiska ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang mahigit ₱7 milyon halaga ng iligal na droga sa kanilang operasyon mula Agosto 29 hanggang Setyembre 5, 2025.

Kabilang sa accomplishments ng PRO BAR sa nakalipas na linggo ang pagkakaaresto ng 11 most wanted persons, pagbawi ng isang motorsiklo na kinasangkutan ng carnapping, at pagkakumpiska ng iba’t ibang uri ng armas at pampasabog.

Naitala rin sa police response checkpoints ang siyam na naaresto, tatlong unexploded ordnance (UXO), at isang hand grenade.

Nagsagawa rin ng mga operasyon ang PRO BAR laban sa iba pang iligal na gawain kung saan nakumpiska ang ₱6,360 halaga ng iligal na huli mula sa kampanya kontra illegal fishing, ₱4,125 halaga mula sa operasyon laban sa illegal logging, at isang dynamite kasama ang blasting cap mula sa kampanya laban sa smuggling.

Narekober din ang labing-apat na loose firearms na isinuko o nakumpiska sa magkakahiwalay na operasyon.

Binigyang-diin ni PRO BAR Regional Director PBGEN Jaysen C. De Guzman na ang mga nasabing accomplishments ay patunay ng tuluy-tuloy na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at iba’t ibang iligal na aktibidad sa rehiyon. Iginiit din niya na mas paiigtingin pa ng PRO BAR ang operasyon upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro Autonomous Region.