Umabot na sa hindi bababa sa 26 na insidente ng pamamaril ang naiulat sa Cotabato City, Maguindanao del Norte, at Maguindanao del Sur mula Pebrero 2 hanggang Pebrero 25, 2025.

Batay sa mga ulat, anim sa mga insidenteng ito ay naganap sa Cotabato City, anim din sa Maguindanao del Norte, at 14 sa Maguindanao del Sur. Sa kabuuan, tinatayang 33 katao ang biktima ng pamamaril, kung saan apat ay kababaihan at tatlo ay menor de edad. Sa mga ito, 21 ang kumpirmadong nasawi.

Kabilang sa mga pinakahuling kaso ng pamamaril ay ang pag-atake sa isang pribadong sasakyan sa Rosary Heights 3, Cotabato City noong Pebrero 25, kung saan isang inhinyero at tatlong iba pa ang binaril, at isa ang nasawi.

Sa parehong araw, isang menor de edad na babae ang binaril habang patungo sa bahay ng kamag-anak sa Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur, at nasawi agad sa insidente.

Samantala, isang kasalukuyang Bise Alkalde ang tinambangan sa Magaslong, Datu Piang, Maguindanao del Sur noong Pebrero 24, habang isang drayber ng payong-payong mula Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang napatay sa pamamaril sa RH 9, Cotabato City noong Pebrero 23.

Hindi rin nakaligtas sa karahasan ang isang security guard ng isang pawnshop sa Poblacion 5, Cotabato City, na binaril habang naka-duty noong Pebrero 19 at agad na binawian ng buhay.

Patuloy na nag-aalarma ang sunod-sunod na kaso ng pamamaril sa rehiyon, at nanawagan ang mga residente sa mga awtoridad na paigtingin ang seguridad at agarang tugunan ang serye ng mga krimen.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang mga insidente, ngunit nananatiling palaisipan kung may koneksyon ang mga ito sa isa’t isa.