Ipinahayag ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim ang kanyang pag-suporta sa Presidential Directive No. PBBM-2024-1244 na inilabas noong Nobyembre 18, na naglalayong tiyakin ang patuloy na paghahatid ng mga serbisyo sa Sulu, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na tanggalin ang lalawigan mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Noong Setyembre 9, 2024, nagdesisyon ang Korte Suprema na hindi kabilang ang Sulu sa BARMM matapos ang plebisito noong 2019, kung saan 54% ng mga botante sa Sulu ang bumoto laban sa pagsasama ng lalawigan sa rehiyon.
Binanggit ni CM Ebrahim na patuloy ang pangako ng interim government na maglingkod sa mga mamamayan ng Sulu sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema. “Kami ay patuloy na maglilingkod at magpoprotekta sa mga karapatan at kapakanan ng mga tao ng Sulu at tinitiyak namin na makarating sa kanila ang mga serbisyo at programa nang walang abala,” pahayag ni Ebrahim.
Inihayag din ni Ebrahim na bilang paghahanda sa Direktibang ito, isinama ng pamahalaang Bangsamoro ang mga programa, aktibidad, at proyekto (PAPs) para sa Sulu sa Bangsamoro Expenditure Program (BEP) 2025.
Nagpasalamat si Ebrahim sa Office of the President, binanggit ang mga agarang hakbang na isinagawa upang tugunan ang mga alalahanin tungkol sa exclusion ng Sulu habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa mga mosyon ng Bangsamoro Government.
Noong Oktubre 1, 2024, nagsampa ang Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO) ng mosyon para sa leave to intervene at tanggapin ang motion for partial reconsideration. Layunin ng mosyon na isama ang BARMM bilang partido sa kasong may kaugnayan sa pag-sever ng Sulu mula sa rehiyon at upang muling isama ang lalawigan sa Bangsamoro.
Binanggit din ni Ebrahim na patuloy ang pakikipagtulungan ng rehiyonal na pamahalaan sa Department of Budget and Management (DBM) at iba pang mga stakeholders upang tiyakin ang maayos na implementasyon ng Direktiba, nang walang abala sa transisyon.
Pinahayag naman ni DBM Secretary at Intergovernmental Relations Body (IGRB) Co-Chairperson Amenah Pangandaman sa isang press release noong Nobyembre 21 ang kahalagahan ng Direktiba sa pagpapatuloy ng mga tagumpay ng peace process, lalo na sa larangan ng self-governance, kapayapaan, at kaunlaran ng ekonomiya sa BARMM.
Hinikayat ni CM Ebrahim ang lahat ng sektor na magkaisa at makipagtulungan sa pagsustento ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon ng Bangsamoro.