Nanatiling sapat at tuloy-tuloy ang suplay ng gasolina sa Lungsod ng Cotabato, ayon sa pinakahuling development report ng Bangsamoro Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE).

‎Batay sa naunang panayam noong March 10, 2026 kay Engr. Abdulkahar Usop, Engineer II ng Energy Management and Development Services ng MENRE, sapat lamang hanggang buwan ng Abril ang suplay ng liquid petroleum products sa lungsod base sa kanilang monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga gas station owners.

‎Gayunman, nilinaw ng ahensya na sa kasalukuyan ay walang kakulangan sa stock at nananatiling stable ang imbentaryo sa mga gasolinahan. Patuloy rin ang koordinasyon ng MENRE sa mga supplier upang mapanatili ang maayos na distribusyon ng gasolina.

‎Pinayuhan ng MENRE ang publiko na iwasan ang panic buying, dahil sapat ang suplay at hindi pa kinakailangang mag-imbak ng labis.

‎Sa kasalukuyan, tiniyak ng MENRE na tuloy-tuloy ang pagdating ng liquid petroleum products sa Cotabato City at walang dapat ipag-alala ang mga motorista at negosyante sa supply ng gasolina.