Ibinasura ng Korte Suprema ang apela laban kay Datu Akmad “Tato” Ampatuan at pinagtibay ang kanyang pagkakaabsuwelto sa kasong murder kaugnay ng Maguindanao massacre noong 2009, kung saan 58 katao ang nasawi.

Ayon sa First Division ng Korte Suprema, hindi napatunayan ang direktang partisipasyon ni Datu Akmad sa krimen. Bagama’t dumalo umano siya sa mga pagpupulong kung saan tinalakay ang planong pamamaslang at nagpahayag ng pagsang-ayon, walang naipakitang ebidensya na siya mismo ay gumawa ng hakbang upang isakatuparan ang krimen.

Binigyang-diin ng Korte na hindi sapat ang simpleng kaalaman o pagsuporta sa isang plano upang masabing may sabwatan, maliban na lamang kung may malinaw na “overt act” na nagsusulong sa mismong krimen.

Tinukoy din sa desisyon na kahit ipinadala ni Datu Akmad ang tauhang si Talembo Masukat—na napatunayang sangkot sa karahasan—hindi pa rin ito maituturing na ebidensya ng kanyang aktibong pakikibahagi.

Dagdag pa rito, kinilala ng Korte Suprema na bilang manugang ni Datu Andal Ampatuan Sr., ang pangunahing akusado sa masaker, pasok si Datu Akmad sa exemption na nakasaad sa Revised Penal Code hinggil sa pananagutan ng isang accessory kung kamag-anak ng pangunahing suspek.

Matatandaang kabilang si Datu Akmad sa mga isinakdal sa 58 bilang ng murder na may kaugnayan sa Maguindanao massacre, na nananatiling pinakamadugong kaso ng political violence sa kasaysayan ng bansa.