Isinampa na ang kasong kriminal laban sa mga taong hinihinalang sangkot sa pananambang at pagpatay kay Bai Maceda Lidasan, ang Municipal Election Officer ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, at sa kanyang asawa na si Datu Jojo Abo.
Naganap ang krimen noong Marso 26, 2025 sa Barangay Makir, sa nasabing bayan.
Kinilala ang mga akusado na sina Gina Bano, punong-guro ng Sarilikha Elementary School sa Semba, Datu Odin Sinsuat, at ang kanyang mister na si Commander Amin Salik, na umano’y Campaign Manager ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa parehong munisipalidad.
Sa kabila ng pagsasampa ng kaso, mariing nananawagan ang pamilya ng mga biktima sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng COMELEC, Department of Justice (DOJ), at Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang isang patas, masusi, at makatarungang imbestigasyon upang makamit ang inaasam nilang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.