Mabilis na aksyon ng mga awtoridad ang nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibidwal dahil sa ilegal na pagdadala ng baril noong gabi ng Nobyembre 3, 2025, sa isang KTV bar sa Barangay Sarmiento.
Bandang alas-8:10 ng gabi, nakatanggap ng ulat ang mga otoridad hinggil sa isang kaguluhan na kinasasangkutan ng tatlong lalaki sa nasabing lugar. Agad na tumugon ang mga tauhan ng 1401st ARMC, RMFB 14-A sa pangunguna ni PLT JOHN RALPH RAFAEL, at pinakalma ang sitwasyon upang maiwasan ang paglala ng insidente.
Sa ginawang pagresponde, nagsagawa ng inspeksyon ang mga pulis sa mga nasangkot at nakumpiska mula sa isa sa kanila na kinilala bilang si Alias “Lex”, 26 taong gulang, residente ng Poblacion 1 ang isang .45 kalibreng baril na walang lisensya, kasama ang isang magasin at pitong bala.
Agad na inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Ipinaalam din sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Ang suspek at ang nakumpiskang baril ay dinala sa Parang Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ayon sa Parang Municipal Police Station (MPS), patuloy nilang ipatutupad ang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na pagdadala at pagmamay-ari ng mga baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

















