Sa tulong ng mga saksi, kinilala na ng mga otoridad sa lungsod ng Davao ang nangahas na gumamit ng fireworks sa lungsod sa kabila ng mahigpit na ordinansang nagbabawal sa paggamit nito.

Nakilala ang suspek sa naturang pagsuway na si alyas Botyok, isang negosyante na nakabase sa Placer, Surigao del Norte. Napagalaman sa mga otoridad ng Davao City Police Office na positibong inginuso ng mga saksi ang suspek na nagsindi ng firework sa Riprap area sa creek ng Bangkal na may dalang packbag, 12:15am araw ng bagong taon, Enero Uno.

Natukoy na din sa pamamagitan ng mga saksi ang mga ebidensya at kung saan ang lugar na pinaggamitan ng nasabing paputok. Ngunit bigo nang mahuli si alyas Botyok na nakabalik sa Surigao sa araw din ng bagong taon.

Naging usap-usapan sa social media ang fireworks video na ikinagulat ng mga tagaroon dahil ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa lungsod.

Ang City Ordinance 060-02 ay nagbabawal sa paggamit, pagbenta, pamamahagi, paggawa at pagaari ng mga pailaw maging ng mga paputok. Unang naipatupad noong 2001, mas pinalakas ito noong 2017 kung saan patong-patong na multa at pagkakakulong ang maaring kaharapin ng lalabag.

Layunin ng ordinansa ang pagprotekta sa kumunidad mula sa panganib na dulot ng paputok at pailaw sa lungsod at pagbawas sa mga pinsala at panganib sa kapaligiran na dulot nito.