Nalutas ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang isang kaso ng robbery na naganap sa 2nd Street, Barangay Rosary Heights 5, Cotabato City, matapos maaresto ang suspek noong Enero 8, 2026.

Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Office–Police Station 2, mabilis na narespondehan ang insidente at agad na isinagawa ang follow-up investigation na nagresulta sa boluntaryong pagsuko at legal na pagkakaaresto ng suspek.

Lumabas sa imbestigasyon na sangkot ang suspek sa serye ng pagnanakaw laban sa isang empleyado ng pamahalaan, kung saan tinatayang umabot sa Php633,000 ang kabuuang halaga ng mga nawawalang gamit. Isa sa mga ninakaw na ari-arian ang nabawi ng mga awtoridad.

Inihahanda na ng pulisya ang mga kaukulang kaso laban sa suspek, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang posibleng sangkot sa insidente.

Ayon kay Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis na resolusyon ng kaso ay nagpapakita ng kahandaan ng kapulisan na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at ang pagsunod sa proseso ng batas.