Naaresto ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagsabog ng bus sa Tulunan, North Cotabato noong 2021 sa ikinasang joint law enforcement operation sa Brgy. Badak, General Salipada K. Pendatun, Maguindanao del Sur, pasado alas-3:00 ng hapon kamakalawa.
Kinilala ni Maguindanao del Sur Police Director Col. Ryan Bobby Paloma ang suspek na si Tasludin Kuda Saligan, alyas “Tasly”, residente ng Brgy. Midpandacan sa parehong bayan.
Isinilbi ng mga awtoridad ang mga warrant of arrest laban kay Saligan para sa mga kasong murder (RTC Branch 15, Shariff Aguak) at murder at multiple frustrated murder (RTC Branch 23, Kidapawan City), na pawang walang inirerekomendang piyansa.
Si alyas Tasly ay tinukoy ng PNP bilang suspek sa Yellow Bus Line bombing incident noong Enero 27, 2021 sa Tulunan, North Cotabato. Sa naturang pagsabog, isang fruit vendor ang nasawi at tatlong pasahero ang sugatan.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Maguindanao PNP katuwang ang CIDG Regional Field Unit – BAR, Regional Special Operations Team (RSOT), 2nd Provincial Mobile Force Company, at iba pang yunit ng pulisya.
Nasa kustodiya na ngayon ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit ang suspek.
Ayon sa PNP, ang pagkakaaresto kay Saligan ay bahagi ng direktiba ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil at PNP BARMM Director BGen. Romeo Macapaz na ipatupad ang batas at tugisin ang mga wanted na kriminal sa rehiyon.