Naka-file na ng kaso ang Traffic Enforcement Unit ng Cotabato City PNP laban sa suspek na nakabangga sa pamilya Tiu na ikinasawi ng tatlo matapos masagasaan habang sakay ng motorsiklo.
Sa naging eksklusibong panayam n Star FM Cotabato kay PLt. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO sinabi nito na nakakulong na ngayon ang suspek na kinilalang si Samsudin, residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property, na may kaakibat na criminal at civil liability. Posible itong magresulta sa multa o pagkakakulong kung itutuloy ang kaso sa korte.
Sa ngayon, hindi pa pumapasok sa anumang kasunduan ang pamilya ng mga biktima.
Matatandaan na nailibing na sa Marian Hills Memorial Park sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte sina Dwight Tiu Jr., misis niyang si Cristina, at panganay nilang anak na si Dana, na pawang nasawi matapos mabangga ng isang kotse ang kanilang motorsiklo sa Rosary Heights 2, Cotabato City noong Agosto 23.
Pauwi na sana ang pamilya matapos sunduin si Dana mula sa trabaho sa isang mall nang mangyari ang malagim na aksidente. Naiwan ng mag-asawa ang pito pa nilang anak, na ngayon ay patuloy na umaasa ng katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.