Naaresto ng Parang Municipal Police Station ang isang suspek sa ilegal na droga nitong gabi ng Enero 22, 2026, matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y pag-aari ng bawal na gamot.
Bandang alas-7:20 ng gabi, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon tungkol sa isang kahina-hinalang indibidwal sa isang eskinita sa Facoma, Barangay Poblacion 2. Agad na nagtungo ang mga pulis sa lugar upang imbestigahan ang ulat.
Pagdating sa lugar, n obserbahan ng mga pulis ang suspek na kinilala bilang si Alias “Men,” 21 taong gulang, magsasaka at residente ng Barangay Bugasan, Matanog. Sa kanilang pagmamasid, nakita nila ang suspek na naglabas at sinubukang itago ang isang heat-sealed na transparent na plastic sachet na umano’y naglalaman ng shabu. Dahil sa malinaw na kilos na ito, agad siyang inaresto nang flagrante delicto.
Sa isinagawang search incidental sa pag-aresto, nakumpiska ang isa pang heat-sealed transparent plastic sachet ng umano’y shabu. Sa kabuuan, dalawang sachet ang nakuha na tinatayang may bigat na 0.14 gramo at may halagang P952 sa merkado.
Kasunod ng pag-aresto, nakipag-ugnayan ang mga pulis sa isang barangay official at kinatawan ng media para masaksihan ang on-site inventory ng mga nakumpiskang gamit. Dinala ang suspek at ang mga ebidensya sa Parang Municipal Police Station para sa tamang dokumentasyon, booking, at legal na proseso.
Iginiit ng Parang MPS ang kanilang patuloy na laban sa ilegal na droga at hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng agarang pag-uulat sa anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.

















