Isang lalaki ang naaresto ng Sultan Mastura Municipal Police Station sa tulong ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa isang anti-illegal drug operation sa Barangay Dagurongan, Sultan Mastura, nitong Enero 12, 2026, bandang 9:10 ng gabi.
Ayon sa ulat, natanggap ng mga pulis ang impormasyon mula sa opisyal ng barangay tungkol sa umano’y aktibidad ng droga sa lugar. Nang dumating sa nasabing lugar, nakumpirma ng mga awtoridad ang impormasyong natanggap at nakita nila ang suspek sa mismong paggamit ng pinaghihinalaang ilegal na droga. Nang makita ang mga pulis, nagtangkang tumakas ang suspek ngunit nahabol at naaresto.
Ang naarestong lalaki ay kilala sa alyas na “Macoy”, 54 anyos, kasal, at bagong nakilalang personalidad sa droga sa nasabing barangay.
Sa lugar ng pag-aresto, isinagawa ang inventory, pagmamarka, at pagkuha ng litrato ng nakumpiskang kagamitan sa harap ng suspek at mga required witnesses, alinsunod sa Section 21 ng Republic Act 9165.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis habang ipinagpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga sa Sultan Mastura.

















