Sa patuloy na kampanya kontra iligal na droga, matagumpay na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM), katuwang ang 34th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang isang buy-bust operation nitong Hulyo 29, 2025.
Isinagawa ang operasyon sa Purok 1, Balacayon, Pahamuddin, Special Geographic Area (SGA) ng BARMM kung saan naaresto ang isang hinihinalang tulak ng droga na kinilala sa alyas na Mascod.
Pinangunahan ng PDEA-BARMM Regional Special Enforcement Team, kasama ang Maguindanao Provincial Office, Land Interdiction Unit, at Intelligence Section, ang nasabing operasyon.
Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu, marked money, iba’t ibang drug paraphernalia, isang caliber .45 na baril (1911 Spring Field Armory), isang revolver, isang MK2 hand grenade, ilang bala, at isang identification card.
Kakaharapin ng suspek ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition), at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives).
Nanindigan ang PDEA-BARMM sa kanilang layuning linisin ang mga komunidad mula sa salot ng ilegal na droga, at muling nanawagan sa publiko na makiisa sa kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na gamot.