Arestado ang isang indibidwal sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Purok Salamat, Mother Barangay Poblacion, Cotabato City noong Marso 10, 2026 bandang alas-1:30 ng hapon.

Pinangunahan ang operasyon ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) sa pamumuno ni Patricia E. Bueno, OIC ng CPDEU, kasama ang mga tauhan ng Police Station 1 at City Intelligence Unit ng Cotabato City Police Office sa ilalim ng direktang superbisyon ni Jibin M. Bongcayao, City Director. Nakipag-ugnayan din sila sa Philippine Drug Enforcement Agency – BARMM para sa operasyon.

Ayon sa ulat, isang police poseur buyer, sa tulong ng confidential informant, ang nakabili ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansya na pinaniniwalaang shabu o methamphetamine hydrochloride.

Tinatayang may bigat na 0.08 gramo ang nasabing iligal na droga at may standard drug price na ₱544.

Matapos ang transaksyon, agad na inaresto ng mga operatiba ang suspek at isinailalim sa kaukulang proseso at dokumentasyon para sa pagsasampa ng kaso.