Napatay ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa mag-asawang Sugaste matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa ikinasang operasyon ng Matalam Municipal Police kahapon ng hapon, Mayo 16, sa Barangay Poblacion, Matalam, Cotabato.
Kinilala ang suspek na si Alex Mamitel Mamad, residente rin ng naturang barangay. Maliban sa kasong double murder, may kinakaharap din itong kaso ng frustrated homicide.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinubukan umano ni Mamad na agawin ang susi ng isang Honda CRF mula sa mag-asawang Lalaine at Eliser Sugaste habang isinasara na ng mga ito ang kanilang printing shop. Nang tumutol si Eliser, na isang guro, agad silang pinaputukan ng suspek na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Sa isinagawang follow-up operation, natunton ng pulisya ang pinagtataguan ni Mamad. Ngunit sa halip na sumuko, nanlaban umano ito, dahilan upang gumanti ng putok ang mga operatiba, na nauwi sa kanyang pagkakapatay.