Arestado na ng mga otoridad ang pangunahing suspek sa pamamaril na ikinamatay ni George Masukat Montak noong gabi ng Oktubre 22 sa Purok Balabaran, Phase 1, Malagapas, Rosary Heights 10, Cotabato City.
Kinilala ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang naaresto na si Esmael Kamad Dagadas, kilala rin bilang “Benjie Dagadas.”
Nahuli ito sa isang lodging establishment sa Barangay Rosary Heights 9 sa pamamagitan ng joint hot pursuit operation ng Police Station 2, City Intelligence Unit, at City Mobile Force Company.
Narekober mula sa suspek ang isang caliber .45 pistol na may mga bala, na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Isasailalim ito sa ballistics examination para sa pormal na beripikasyon at ebidensiya.
Ayon kay City Police Director PCol. Jibin M. Bongcayao, ang mabilis na pagkakaaresto ay patunay ng dedikasyon ng CCPO sa pagpapanatili ng kapayapaan at hustisya sa lungsod.
Kasalukuyang nasa police custody si Dagadas at haharap sa kaukulang kasong criminal.

















