Sa patuloy na kampanya laban sa kriminalidad, matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 8 (PRO-8) sa pangunguna ni PBGEN JASON L. CAPOY, Regional Director, ang isang suspek sa insidente ng pananaksak sa Brgy. Piliw, Llorente, Eastern Samar noong Oktubre 8, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Nilo”, 41 taong gulang at isang magsasaka, habang ang biktima ay kinilala sa alyas na “Natoy”, 28 taong gulang, kapwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon, naglalakad pauwi ang biktima kasama ang kanyang pamangkin nang biglang lapitan at saksakin sa likod ng suspek. Agad namang naisugod ang biktima sa Llorente Medical Hospital para sa agarang lunas.

Sa mabilis na hot pursuit operation na isinagawa ng Llorente Municipal Police Station (MPS), agad na nahuli ang suspek at narekober rin ang patalim na ginamit sa krimen.

Kasulukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at haharap sa kaukulang kaso.