Arestado ang pangunahing suspek sa serye ng nakawan sa bayan ng Kalibo matapos itong maabutan ng mga awtoridad sa Sitio Kasawahan, Barangay Fulgencio Sur, Balete nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang nadakip na suspek na si Jiit Cezar, dalawampu’t dalawang taong gulang, residente ng Purok 4, Barangay Tinigaw, Kalibo.

Narekober mula sa kanyang motorsiklo ang mga perang nakuha sa pagnanakaw sa isang tindahan sa Barangay Pook, Kalibo, na naganap nitong Huwebes ng gabi. Tinatayang umabot sa ₱17,000 ang perang nasamsam, bukod pa sa halagang ipinadala umano ng suspek sa kanyang nobya sa GCash at ang bahagi ng pera na ginastos niya para sa sarili.

Batay sa imbestigasyon, si Cezar ang itinuturong responsable sa sunod-sunod na pagnanakaw sa mga tindahan at establisimyento sa mga Barangay Estancia, Tigayon, Pook, at Andagao sa Kalibo, gayundin sa mga bayan ng Mabilo, New Washington, at Banga.

Inamin mismo ng suspek na siya ang may kagagawan ng mga panloloob, gamit ang pliers at screwdriver upang pilitin ang mga pinto at pasukin ang mga tindahan — kadalasan bandang ala-una ng madaling araw. Pagkatapos umano ng krimen, tumatakas siya patungo sa bayan ng Balete upang “magpalamig.”

Ang pagkakaaresto sa suspek ay resulta ng ikinasang hot pursuit operation ng Kalibo Police Station katuwang ang Balete PNP.