Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Atty. Suharto “Teng” Ambolodto, MNSA hinggil sa mga nakikitang suliranin sa loob ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa kanyang pahayag sa Facebook, binigyang-diin ni MP Ambolodto na kinakailangan ang matatag na paninindigan at makabuluhang pakikipag-ugnayan ng lahat ng panig upang maresolba ang mga kinakaharap na usapin.
Ayon sa kanya, banta sa proseso ng Normalization Track ang pagkakasuspinde ng ilang base commanders ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).
Gayunman, ikinatuwa rin ni Ambolodto ang naging matagumpay na pagtitipon ng mahigit 100,000 kasapi ng BIAF nitong Sabado, Setyembre 6, kung saan nakibahagi pa ang mga sinuspindeng commander kasama ang BIAF Chief of Staff. Aniya, patunay ito ng katatagan, maayos na pamumuno, at dedikasyon ng BIAF sa pagpapanatili ng pagkakaisa, gayundin ng MILF sa kabuuan.
Pinuri rin ng mambabatas ang mga Bangsamoro Mujahideen sa ipinakita nilang kahusayan sa pamumuno. Giit niya, anumang alitan ay dapat lutasin sa loob ng organisasyon at hindi na inilalabas sa publiko.
Dagdag pa ni Ambolodto, dapat harapin ang mga hamon sa implementasyon ng proseso sa pamamagitan ng mga mekanismong nakapaloob mismo sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).