Kinumpirma ng mga otoridad na nakapaglagak na ng piyansa ang driver ng SUV na sangkot sa malagim na aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pasahero.

Batay sa ulat, itinakda ng Pasay City Regional Trial Court ang piyansa sa halagang P100,000 para sa pansamantalang kalayaan ng 47-anyos na lalaki. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple serious physical injuries, at damage to property.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines, tumalima sila sa utos ng korte matapos matanggap ang opisyal na bail order. Kinumpirma rin ng PNP Aviation Security Group na natanggap na nila ang nasabing kautusan.

Matatandaang sila ang nanguna sa imbestigasyon ng insidente na ikinasawi ng isang 4-taong gulang na batang babae at isang 29-anyos na lalaki sa departure entrance ng NAIA Terminal 1.

Giit ng drayber, aksidente umano ang nangyari at walang intensyon sa trahedya. Nagnegatibo rin siya sa pagsusuri sa ilegal na droga at alak.