Sumalpok ang isang SUV sa bahay ng mga residente bandang alas-11:30 ng gabi noong Nobyembre 2, 2025, sa bahagi ng Gensan–Cotabato City National Highway sa Barangay Tambak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Batay sa ulat mula kay PNP-BARMM Spokesperson Lt. Col. Jopy Ventura, sangkot sa insidente ang isang kulay abo at itim na Mitsubishi Montero na may plakang NFH 4717, na nakarehistro sa pangalang Rofil Falconete Zason, isang lalaking miyembro umano ng Philippine National Police at residente ng Marikina, NCR.

Ayon sa imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station (DOS MPS), binabaybay ng naturang sasakyan ang direksyon mula Barangay Awang patungong Poblacion Dalican nang mawalan ito ng kontrol at tuluyang sumalpok sa bahay ng pamilya Sumagkang.

Sugatan sa insidente ang mag-iinang nakatira sa naturang bahay na kinilalang sina Bai Ali Guiapal Sumagkang, 39 anyos; Saiful Guiapal Sumagkang, 5 anyos; at Nor-janna Guiapal Sumagkang, 2 anyos — pawang mga residente ng Barangay Tambak.

Maliban sa mga sugatang biktima, nasira rin ang ilang bahagi ng kanilang tahanan.

Sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad, natuklasang may kargang labing-apat (14) na kahon ng smuggled cigarettes na may tatak na “Cannon” ang SUV.

Matapos ang insidente, agad tumakas ang drayber ng sasakyan at iniwan ang lugar. Nagsagawa ng pursuit operation ang mga tauhan ng DOS MPS, subalit hindi na nila inabutan ang tumakas na suspek.

Nanatili sa lugar ng aksidente ang nasabing sasakyan, habang ang mga nakumpiskang sigarilyo ay dinala sa DOS MPS para sa masusing imbestigasyon at tamang disposisyon.