Matagumpay na naisagawa kaninang umaga, Lunes, Oktubre 27, 2025, ang boluntaryong pagsuko at pormal na turn-over ng labindalawang mataas na kalibreng baril sa Bayan ng Talitay, Maguindanao del Sur, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Sedik Ameril. Ang mga baril ay boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa iba’t ibang barangay bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaayusan. Kabilang sa mga naisukong armas ang mga sniper rifles, rifles, grenade launchers, carbine, at M1 Garand, kasama ang kaukulang bala.
Ang mga armas at bala ay pormal na tinanggap ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, kasama sina Lt. Col. Robert F. Betita, Commanding Officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion, Cpt. Robert Jhong G. Carian, Commander ng 12th Mechanized Infantry Company, PCPT Rama Jr., Chief of Police ng Talitay MPS, Vice Mayor Musa S. Ameril, Hon. Datu Ayatullah J. Mapandala, ABC, at iba pang lokal na opisyal.
Ayon kay Lt. Col. Betita, malinaw na bunga ng pagkakaisa at kooperasyon ng kasundaluhan, kapulisan, at lokal na pamahalaan ang tagumpay na ito. Ang boluntaryong pagsuko ng mga armas mula sa iba’t ibang barangay ay patunay ng kagustuhan ng mga mamamayan na makiisa sa adhikain ng pamahalaan. Hinikayat niya ang iba pang mamamayan na sumunod sa halimbawang ito para sa patuloy na kapayapaan at kaunlaran ng bayan.
Pahayag naman ni Brig. Gen. Catu, ang boluntaryong pagsuko ng mga baril ay patunay ng pagtitiwala ng mga mamamayan sa kapangyarihan ng batas at sa pamahalaan. Aniya, patuloy ang 601st Brigade sa pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal, PNP, at iba pang ahensya upang tuluyang wakasan ang karahasan at ilegal na pag-aari ng armas sa nasasakupan.
Pinuri rin ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command at 6th Infantry (Kampilan) Division, ang pamunuan ng 601st Brigade, 1st Mechanized Infantry Battalion, lokal na pamahalaan ng Talitay, mga punong barangay, at mamamayan sa matagumpay na seremonya ng balik-baril. Aniya, ito ay patunay ng diwa ng pagkakaisa at kooperasyon sa komunidad, at sa pamamagitan ng boluntaryong pagsuko ng mga armas, unti-unti nang nabubura ang takot at karahasan sa rehiyon. Hinihikayat niya ang lahat ng mamamayan na magtiwala sa pamahalaan at makiisa sa layunin para sa isang mapayapa at maunlad na Bangsamoro.
Ang aktibidad ay bahagi ng Sustained Campaign on Small Arms and Light Weapons (SALW) program ng pamahalaan, na naglalayong hikayatin ang mga sibilyan na boluntaryong isuko ang kanilang hindi lisensyadong armas bilang suporta sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng komunidad.


















