Nagmistulang eksena sa isang action movie ang isinagawang anti-illegal drug bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office 12 at South Cotabato Provincial Police Office sa bayan ng Polomolok, South Cotabato noong hapon ng Lunes, Hulyo 14, 2025.

Target ng entrapment operation ang suspek na si John Louise Delfin Ampo, 28 taong gulang at residente ng General Santos City. Sakay ng isang puting SUV, tinangka ng suspek na tumakas matapos mapansin ang mga operatiba. Bigla niyang pinaharurot ang sasakyan, na lumihis sa kalsada at muntik pang makaaksidente ng mga pulis at mga dumadaang motorista sa kahabaan ng highway sa Barangay Cannery Site.

Sa kabila ng kanyang tangkang pagtakas, agad na nasukol si Ampo ng mga operatiba. Nakumpiska sa kanya ang hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱267,540.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Polomolok Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.