Nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte sa mga may-ari ng motorsiklong may open pipe na tambutso na magsisimula na ang mas mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal laban dito.
Ayon sa LGU, ang hakbang ay alinsunod sa mandato ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang katahimikan, kaayusan, at kapakanan ng mamamayan sa buong bayan.
Ang naturang pagbabawal ay nakabatay sa umiiral na mga batas, kabilang ang Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code), Republic Act 8749 (Clean Air Act), gayundin sa mga patakarang ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO).
Kaugnay nito, otorisado ng LGU ang mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at mga opisyal ng barangay na manghuli at magpatupad ng nasabing ordinansa laban sa mga motorsiklong may maingay at ilegal na tambutso.
Binigyang-diin pa ng LGU na ang mga lalabag sa kautusan ay mahaharap sa kaukulang parusa at pagmumulta, bilang bahagi ng mahigpit na pagpapatupad ng batas.

















