Binisita ni Lieutenant General Antonio Nafarrete, Commanding General ng Philippine Army, ang mga sundalo ng 101st Infantry Battalion (101IB) na kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Navarro General Hospital (CNGH) sa Zamboanga City, nitong Biyernes, Oktubre 31.
Ang naturang pagbisita ay kaugnay ng aksidenteng kinasangkutan ng isang military vehicle sa Barangay Angilan, Omar, Sulu noong Oktubre 27, na nagresulta sa pagkasugat ng walong sundalo at isang sibilyan. Agad na inilikas ang mga biktima patungong Zamboanga City upang maisailalim sa masusing gamutan at obserbasyon.
Sa siyam na sugatan, lima ang kasalukuyang naka-admit sa CNGH, habang apat naman ang ginagamot sa mga pribadong ospital sa lungsod para sa mas malalim na pagsusuri at rehabilitasyon.
Personal na sinuri ni Lt. Gen. Nafarrete ang kalagayan ng mga sugatang sundalo at tiniyak ang buong suporta ng Philippine Army sa kanilang paggaling. Pinuri rin niya ang katapatan ng mga ito sa tungkulin at hinikayat silang manatiling matatag at positibo sa gitna ng kanilang paggaling.
Malaki ang naitulong ng kanyang presensiya sa pagpapalakas ng loob ng mga sugatang kawal, na nagpahayag ng pasasalamat sa ipinakitang malasakit at pangungumusta ng kanilang pinuno.
Ayon naman sa Western Mindanao Command (WestMinCom), patuloy ang kanilang koordinasyon at tulong upang matiyak ang kapakanan ng lahat ng sangkot sa insidente. Ipinapaabot din ng buong pamunuan ang kanilang panalangin at hangarin para sa mabilis na paggaling ng mga nasugatang sundalo at ng sibilyang nadamay.

















