Nagpahayag ng pagtutol ang ilang sabungero sa Senate Bill No. 2975 o Revised Animal Welfare Act na inisponsor ni Senador Grace Poe, dahil maaaring maisama ang sabong sa mga aktibidad na ipagbabawal sa ilalim ng batas.
Ayon kay Joey Sy, beteranong gamefowl breeder at host, matagal nang tradisyon ang sabong sa kulturang Pilipino at ikinabubuhay ito ng libo-libong mamamayan. Giit niya, kailangang malinaw na maihiwalay ang sabong upang hindi ito madamay sa mga animal fights na layong ipatigil ng panukala.
Sinang-ayunan ito ng kanyang co-host na si Eddie Boy Ochoa, na nanawagan na kilalanin ang sabong bilang bahagi ng pambansang pamana upang maprotektahan ito mula sa pagbabawal.
Samantala, ayon kay Atty. Arturo De Castro, isa ring gamefowl breeder at sabungero, hindi malinaw sa panukalang batas kung exempted ang sabong. Binalaan din niya ang mga pulitikong susuporta sa panukala na maaari silang maapektuhan sa eleksyon dahil dito.
Matatandaang inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Hunyo 2 ang Senate Bill 2975 na layong sugpuin ang animal cruelty. Nauna na ring inaprubahan ng Kamara ang House Bill 11254 na nagbabawal naman sa online sabong.