Kinilala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Pamahalaang Lungsod ng Cotabato bilang Best Employer sa ginanap na PhilHealth Rawaten 2025 Awards, bilang pagkilala sa mahusay na pamamahala at patuloy na pangangalaga sa kapakanan ng mga kawani at mamamayan.
Personal na tinanggap ni OIC City Health Officer Dr. Harris Ali ang nasabing parangal sa ngalan ni Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao sa seremonyang inorganisa ng PhilHealth.
Ayon kay Mayor Matabalao, ang parangal ay sumasalamin sa katapatan at dedikasyon ng mga lingkod-bayan ng Cotabato City na araw-araw ay nagsusumikap maghatid ng tapat, makatao, at may malasakit na serbisyo para sa lahat ng Cotabateño.
“Ito ay kuwento ng ating mga kawani na patuloy na nagsisilbi kahit sa gitna ng pagsubok — tahimik ngunit may buong puso at paninindigan. Ang tunay na pamumuno ay nagmumula sa malasakit,” pahayag ng alkalde.
Binigyang-diin din ni Mayor Matabalao na ang pagkilalang ito ay simbolo ng pag-asa para sa bawat Cotabateño — mula sa mga inang muling nagkaroon ng pag-asa para sa kanilang mga anak, hanggang sa mga ama at nakatatandang nakararanas ng ginhawa dahil sa tulong pangkalusugan.
Lubos ding nagpasalamat ang alkalde sa PhilHealth sa pagiging matatag na katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan na nagbibigay katiyakan sa mga mamamayan sa oras ng pangangailangan.
Inialay ni Mayor Matabalao ang karangalang ito sa lahat ng kawani ng City Government, mga health workers, at sa bawat Cotabateño na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kanilang pagseserbisyo.
“Sa ngalan ng Administrasyong Para sa Lahat, buong pagpapakumbaba naming tinatanggap ang parangal na ito bilang paalala na patuloy kaming maglilingkod nang may malasakit, integridad, at puso para sa bayan,” pagtatapos ni Mayor Matabalao.