Arestado ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Sta. Filomena, Arevalo, Iloilo City, madaling-araw ng Marso 8, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Regional Office 6 Special Enforcement Team katuwang ang PDEA Iloilo Provincial Office, Philippine Coast Guard Coast Guard Intelligence Unit–Iloilo, at Iloilo City Police Station 6. Sa naturang operasyon ay nadiskubre at nabuwag din ang isang umano’y drug den sa lugar.

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Janly,” 46 taong gulang; “Mars,” 33; at “Elmer,” 37, na pawang itinuturing na high-value individuals.

Narekober mula sa kanila ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na aabot sa ₱170,000. Nasamsam din ng mga operatiba ang buy-bust money, mga bakanteng plastic sachet, aluminum foil na may bakas ng hinihinalang droga, lighter, gunting at iba pang drug paraphernalia.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ilalim ng nasabing batas, maaaring umabot sa habambuhay na pagkakakulong at multang mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon ang sinumang mapatunayang nagbebenta o nagpapatakbo ng drug den, habang hanggang 20 taong pagkakakulong naman ang maaaring kaharapin ng mga bumibisita o nagtatrabaho sa naturang lugar.