Tatlong high-powered na baril ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation laban sa hinihinalang gun runners sa Sitio Manito, Barangay Dalumangco, Sultan Kudarat, kahapon ng hapon January 16, 2026.
Ayon sa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR, nakilala ang mga suspek sa mga alyas na Esmael, residente ng Barangay Senditan, at Karon, residente ng Purok Red Lea, Lebak, Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga nakumpiskang armas ang dalawang M16A1 rifles at isang M14 rifle, pati na rin ang ilang bala at humigit-kumulang tatlong daang libong piso na hinihinalang bahagi ng tinatawag na “blood money.”
Gayunman, nakaligtas at nakatakas ang mga suspek bago pa man sila tuluyang maaresto, at iniwan sa lugar ang kanilang Suzuki Multicab na ginamit sa transaksyon.
Sa ngayon, ang mga nakumpiskang armas ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad para sa dokumentasyon at ballistic examination, habang patuloy ang manhunt operation para sa ikaaaresto ng mga suspek.

















